OFW 

Sagot ng POEA sa mga OFW FAQs

POEAPadami ng padami na mga Pilipino ang naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bayan. Madami pa rin ang nag-apply sa mga jobs in Kuwait, Dubai, Canada, at iba pang mga bansa. Subalit, nakakalungkot isipin na may mga kababayan tayo na naloloko ng mga illegal recruiters at nasasayang lang ang kanilang mga pinagpaguran.

Nararapat lamang na bago makipagsapalaran, ang mga nagnanais na makapag-abroad ay magkaroon ng sapat na kaalaman sa tamang proseso ng pagtatrabaho sa ibang bansa. Kahit nga sa mga kababayan in Kuwait, marami pa rin ang mayroong mga katanungan ukol sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa.

Mabuti na lamang na sa official launching ng partnership ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at JobStreet.com noong April 1 at 2 ng nakaraang taon, nagkaroon ng pagkakataon ang POEA na sagutin ang top 10 na mga katanungan ng mga aplikante para sa mga trabaho abroad.

1. Ano ang mga kailangang bayaran para makapagtrabaho abroad?

Ang employer ang dapat magbayad ng processing fees para sa application at iba pang bayarin na aprubado ng POEA. Ayon sa POEA Governing Board Resolution No. 2, Series of 1998, and POEA Memorandum Circular No. 14, Series of 1999, ang mga recruitment agency ay pwedeng humingi ng bayad sa mga na-hire na mga manggagawa pero ito ay dapat “an amount equivalent to one month salary, exclusive of documentation and processing costs”.

2. Ano ang mga “documentation costs” na dapat bayaran?

Kadalasan, ang isang overseas worker ay siyang dapat mag-aasikaso at magbayad para sa kanyang passport, NBI/Police Clearance, PhilHealth/Medicare Premium, trade test, at vaccination.

3. Mayroon bang standard placement fee sa bawat bansa?

Ang mga bansang kagaya ng United Kingdom, Ireland, Norway, Canada, at the Netherlands ay hindi nagpapahintulot ng pagkuha mg placement fees ng mga recruitment agencies galing sa mga dayuhang manggagawa dahil ang employer ang magbabayad para sa placement at recruitment services.

4. Paano kung direktang natanggap sa isang kompanya at di dumaan ng overseas recruitment agency, kailangan pa rin bang dumaan sa POEA?

Oo, kailangan pa ring pumunta sa POEA para sa verification ng employment contract at work visa/permit.

5. Paano malalaman na ang kompanya na ina-applayan ay legal at ligtas?

Pwedeng malaman ito sa pamamagitan ng pag-check sa lisensya, job order, placement fees, employment contract, pati O.R. ng kompanya sa POEA. Pwede ring magtanong kung kasali sila sa mga lisensyadong ahensya sa POEA Assistance and Information Center.

6. Kung sakaling madiskobre na ang kompanyang nang-rerekrut ay ilegal, madadamay ba sa kaso ang mga konektadong ahente sa ilegal na recruitment agency?

Oo. Sa pagsampa ng kaso sa POEA, maaaring magbigay ng contact information ng ahente at ilegal na ahensya para sa imbestigasyon.

7. Paano kung ang job offer na ibinigay sa kontrata ay iba sa aktwal na trabaho na gagawin sa bansang iyon? Ito ba ay ilegal?

Kung sakaling ibang trabaho ang ibinigay ng kompanya sa trabahong nakasaad sa kontrata, pwedeng i-request na i-terminate ang kontrata. Maaaring magsampa ng reklamo sa POEA laban sa ahensya para sa recruitment violations.

8. May karapatan ba ang recruitment agency para i-hold ang passport kung ang pag-deploy ay hindi natuloy at walang kontratang napirmahan?

Wala. Ang ahensya ay walang karapatan na i-hold ang passport o anumang dokyumento ng isang aplikante kung ang kontrata ay hindi pa napirmahan.

9. Kailangan bang mag-attend ng POEA seminar bago mag-trabaho abroad?

 Oo. Ang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) ay isang requirement para sa lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs). Pagkatapos ma-kompleto ang PDOS, tatanggap ang aplikante ng certificate na isusumita sa POEA kasama na ang ibang mga dokumento na kailangan pag-alis ng bansa.

10. Ano ang pinagkaiba ng POEA at OWWA?

Ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay ang namamahala sa lahat ng may kinalaman sa paghahanap ng trabaho sa labas ng bansa, kasama na ang mga proseso na kailangan pagdaanan ng mga OFW. Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ay isang ahensya ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nangangalaga sa kapakanan, proteksyon, at mga benepisyo ng mga OFW at mga kamag-anak nila.

 

Credit: http://tinyurl.com/nk6tlur

Related posts

Leave a Reply

%d bloggers like this: